Ibinabala ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang pagtaas ng mga kaso ng love scam ngayong Pebrero, na kilala bilang “buwan ng pag-ibig.”
Ayon sa kanilang ulat, hanggang 15 Pilipino kada araw ang naloloko sa mga modus kung saan ginagamit ng mga scammer ang emosyon upang makapanloko at makapanghingi ng pera.
Ayon kay CICC Executive Director Alexander Ramos, ang mapagmahal at masipag na kalikasan ng mga Pilipino ang dahilan kung bakit nagiging target sila ng ganitong modus. Ginagamit pa umano ng mga scammer ang artificial intelligence upang pag-aralan at gawing kapani-paniwala ang mga panloloko.
Binigyang-diin ng CICC ang mga senyales ng love scam: mga profile sa social media na tila sobrang perpekto, pagtanggi sa video call, at paghingi ng pera o alok sa investment.
Ayon kay Josen de Guzman ng Scamwatch PH, ang long-distance relationship sa mga dayuhan ay lubos na delikado dahil walang pagkakataon na makumpirma ang kanilang pagkatao sa personal.
Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat at magsiyasat ng mabuti sa mga online na pakikipagrelasyon upang hindi maging biktima ng ganitong uri ng panloloko.