Nasabat ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tinatayang 10–15 tonelada ng smuggled frozen chicken meat sa isang warehouse sa Santa Maria, Bulacan kamakalawa.
Ayon sa ulat, ang mga karne ay bahagi ng mga produktong nakumpiska ng Bureau of Customs na dapat sana ay sumailalim na sa disposal, ngunit umano ay ibinibenta pa sa publiko online.
Tinatayang nasa ₱7 milyon ang halaga ng nasabat na chicken drumsticks, habang umaabot naman sa 81 tonelada ang kabuuang dami ng karne na umano ay balak ibenta.
Isang babaeng suspek ang naaresto matapos magsagawa ng entrapment operation ang NBI kung saan nagpanggap na buyer ang mga operatiba.
Patuloy naman ang imbestigasyon sa iba pang posibleng sangkot kasunod ang paalala ng mga awtoridad sa publiko na maging mapanuri sa mga produktong pagkain na binibili online, lalo na kung kahina-hinala ang pinagmulan at dokumentasyon.(Danilo Gravador)
